Sto. Tomas de Villanueva, OSA

Sto. Tomas de Villanueva, OSA
Palagiang Novena kay Santo Tomas de Villanueva

Thursday, October 28, 2010

KATEKESIS para sa ROSARYO ni SANTO TOMAS DE VILLANUEVA at mga PALIWANAG

KATEKESIS para sa ROSARYO ni SANTO TOMAS DE VILLANUEVA at mga PALIWANAG

KATEKESIS

1. Bakit inuumpisahan ang Rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva sa Tanda ng Krus?

Ito ang tatak ng kaligtasan na tinaggap natin sa Sakramento ng Binyag. Sa Krus naganap ang kaligtasan ng Sanlibutan nang ialay ni Jesus ang kanyang sarili para sa ating katubusan. Sa Binyag natatanggap natin ang mga biyayang iyon ng kaligtasan. Kaya naman sa buong pamumuhay Kristiyano ang lahat ng ating mga panalangin ay naguumpisa sa Tanda ng Krus. Isang pagpapahayag ng ating pananampalataya kay Jesucristong nagligtas sa atin sapamamagitan ng kamahal-mahalang krus. Ganito ang aral ng pananampalataya tungkol sa Tanda ng Krus sa Binyag:

Ang tanda ng krus, sa pasimula ng pagdiriwang (ng Binyag) ay naghahayag ng tatak ni Cristo sa tao na nasasanib sa kanya at nangangahulugan ng gracia ng katubusan na tinamo ni Cristo para sa atin sa pamamagitan ng krus. (CCC, 1235).

Ang tanda ng Krus ay tanda din ng ating pagiging Kristiyanong alagad.

Ang Krus ay sagisag ng Misteryong Pampaskuwa ni Kristo (ang pagkamatay upang bumangon sa bagong buhay) at ng pagiging Kristiyanong alagad. “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon” (Lu 9:23-24). (CFC, 597)

Dahil dito marapat lamang na umpisahan at wakasan ang ating debosyonal na panalangin kay Santo Tomas de Villanueva sa tanda ng kaligtasang tinamo rin niya mula kay Jesucristo.

Sa tanda ng Krus pinararangalan natin ang tatlong Persona ng Diyos. Ang Diyos Ama na manlilikha, ang Diyos Anak na tagapagligtas at ang Diyos Espiritu Santo na tagapagpabanal. Ito rin ang naging papel ng Santatlo sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva, ang iisang Diyos na kanyang Manlilikha, Tagapagligtas at Tagapagpabanal.

2. Ang Pambungad na Panalangin: Panalangin ng Pagdulog sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkandili ni Santo Tomas de Villanueva.

Dito muli nating tinatawag ang Panginoon na siyang hantungan ng ating mga panalangin. Bagaman tinatawag natin ang pamamagitan ni Santo Tomas de Villanueva, ito’y mga panalanging nakaukol pa rin sa Panginoon na siyang bukal ng lahat ng pagpapala at biyaya.

Idinadalangin natin na sa mga merito ni Santo Tomas de Villanueva ay maipagkaloob sa atin ang mga kahilingang ating ninanais sa pagdulog sa kanya.

Ang pag-ibig ni Cristo sa atin ay bukal ng lahat ng ating merito sa harap ng Diyos. Ang grasia, na nagsasanib sa atin kay Cristo nang may pag-ibig na aktibo, ay nagtatakda ng karakter sabrenatural ng ating mga akto, kaya kasama ang merito maging sa harap ng Dios at ng mga tao. Ang mga santo laging nagkaroon ng isang konsiensiang buhay na ang kanilang mga merito ay pawang gracia lamang. (CCC, 2011)

3. Ang Unang tatlong butil: Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Sumasampalataya ako.

Matapos ang Pambungad na Panalangin ating dinadasal sa unang butil ang Ama Namin o ang Panalanging itinuro sa atin ng Panginoon. Hangad nating manalangin sa rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva kaya napakagandang umpisahan natin ito sa panalanging itinuro mismo ni Jesus

AMA NAMIN

Bilang pagpapaunlad sa kahilingan ng kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin” (Lu 11:1) iniwan ni Jesus sa kanila ang batayang panalangin ng Cristiano, ang Ama Namin.

“Ang Panalangin ng Panginoon ay tunay na pagbubuod sa buong Ebanghelyo” (Tertuliano, Or. 1), ang “pinakadakila sa lahat ng mga panalangin” (S. Tomas Aq 2-2, 83, 9). Ang lunduan ito ng mga Kasulatan.

Tinatagurian itong “Panalangin ng Panginoon” sapagkat nagbuhat sa Panginoong Jesus, ang huwaran at Panginoon n gating panalangin. (CCC, 2773-2775)

ABA GINOONG MARIA

Atin naman ngayong tinatawag ang pagkandili ng Mahal na Birheng Maria na siyang pinakamamahal ni Santo Tomas de Villanueva. Sa sandaling ito ibinabaling natin sa maka-Inang pagkalinga ni Maria ang ating mga pagsusumamo. Tulad ng kanyang pamamagitan sa kasalan sa Kana, samo’t pag-asa natin na tayo ay kanyang ilapit sa kanyang Anak at matupad nawa natin ang kanyang mga utos: “Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.” (Juan 2:5)

Dahil sa natatanging pakikiisa ni Maria sa kilos ng Espiritu Santo, nagagalak ang Simbahan na magdasal ng kasama ang Birheng Maria, upang papurihan ang Dios sa mga dakilang bagay na ginaganap NIya sa kanya at upang ipagkatiwala sa kanya ang ating mga kahilingan at pagpupuri. (CCC, 2682)

SUMASAMPALATAYA AKO

Matapos nating dasalin ang Panalanging itinuro sa atin ng Panginoon at ang Matuwa Ka Maria (CCC, 2676) o Aba Ginoong Maria, ngayon naman ating dadasalin ang Pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Apostoles ni Jesus.

…taglay nito ang sumario ng pananampalataya na ipinangaral ng mga Apostol. Ito nga ang pinakamatandang simbolo bautismal ng Iglesia ng Roma. Ang taglay na kapangyarihan ay nagbubuhat sa kadahilanang: “Ito ang simbolo na iniingatan ng Iglesia Romana, na naging luklukan ni San Pedro, ang pinuno ng mga Apostol at nagtaglay ng iisang doktrina” (San Ambrosio, symb. 7). (CCC, 194)

Sa mga pangunahing panalanging ito ating ipinapahayag ang pagmamahal ni Santo Tomas de Villanueva, na una sa lahat ay sa Panginoon habang ating dinadasal ang Ama Namin.

Sa Aba Ginoong Maria naman ating ginugunita ang debosyon ni Santo Tomas de Villanueva sa Mahal na Birheng Maria na kanyang pinakamahal.

Sa Kredo na siyang saligan ng ating panananampalataya mula sa pagpapahayag ng mga Apostol, inaala-ala natin ang malaking pagmamahal at katapatan ni Santo Tomas de Villanueva sa ating pananampalataya na buong buhay niyang ipinahayag sa salita at gawa.

Kaya napakahalang dasalin ng buong sigla ang mga pambungad na panalanging ito, lalo na ang kanilang tamang pormula o mga salita batay sa paglalahad ng ating Simbahan. Yaong hindi binabago ang mga letra ng dasal upang sa pamamagitan nito’y angkop ang ating debosyon at panalangin sa Panginoon, sa kanyang Ina at kay Santo Tomas de Villanueva sa mga popular na panalangin ng ating pananampalataya.

4. Panalangin sa mga Malalaking Butil: Ipanalangin mo kami, O maluwalhating, Santo Tomas de Villanueva, nang kami maging dapat makinabang sa mga pangako ni Jesucristong aming Panginoon.

Walong ulit itong dadasalin sa loob ng Rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva. Hinihiling natin sa maikling dasal na ito na mamagitan sa atin si Santo Tomas de Villanueva upang tamasahin natin ang mga pagpapala ng Ating Panginoong Jesucristo. Si Santo Tomas de Villanueva na ngayon ay kapiling na ng Panginoon sa kanyang kaharian; napakalapit na estado upang tayo ay kanyang ipanalangin sa Panginoon sa ating mga pangangailangan at mga kahilingan na tulad nawa niya ay tamasahin natin ang inaasam na kaligayahan sa piling ni Jesucristo.

5. Bakit 8 Malalaking Butil?

Mahalaga ang bilang na ito sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva. Sa Terragona sa Espanya, ipinagdiriwang ang kapanganakan ni Santo Tomas de Villanueva tuwing Setyembre 8. Noon naming Setyembre 8, 1555 pumanaw sa mundong ito si Santo Tomas de Villanueva sa edad na 67 taong gulang. Pambihira ang ganitong pagkakataon sa isang tao. Magkapareho ang kaarawan at kamatayan. Kaya ang bilang na walo ay mahalaga sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva na nagpapaala-ala sa atin ng biyaya ng kanyang buhay dahil isinilang siya ng ika-8 ng Setyembre. Ganun din ito ay mahalagang bilang sakapagkat ika-8 ng Setyembre 1555 siya pumasok sa kaluwalhatian ng langit sa kamatayan ng kanyang mortal na katawan at pagpanik sa kalangitan ng kanyang kaluluwa at espiritu sa piling ng Makapangyarihang Ama.

Sa walong ulit na pagsambit sa kanyang pamamagitan sa rosaryong ito dinadakila, pinupuri at pinasasalamatan natin ang Diyos sa pagkakaloob sa mapalad na Santo Tomas de Villanueva bilang pamamarisan ng tunay na kabanalan.

6. Bakit madalas ang tatlong butil na panalangin sa rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva? May kahulugan ba ito?

Ibig nating isipin na ang 3 butil ay palaging lumalarawan sa Santatlo na siyang Panginoon at Diyos na buong giliw na pinaglingkuran at minahal ni Santo Tomas de Villanueva sa kanyang buhay.

Na bagaman ang panalanging ito ay debosyonal na panalanging handog kay Santo Tomas de Villanueva tayo ay pinaaalalahanan na ang tugatok ng ating pagtawag sa kanya ay patungo sa kaluwalhatian at kadakilaan ng Tatlong Persona, iisang Diyos.

7. Ang Panalangin ni Santo Tomas de Villanueva.

Pinaniniwalaang ang panalanging ito ay mula sa komposisyon ni Santo Tomas de Villanueva mismo. Isang magandang panalangin ng pag-ibig sa Panginoon ng buong lakas hanggang sa abot ng lahat ng kakayahan. Mga panalanging lumalarawan din sa katuturan ng buhay paglilingkod ni Santo Tomas de Villanueva. Nasa sa paguusal natin ng mga panalanging ito lubos na mailarawan sa atin ang kabanalan ng mahal nating patron upang sa gayon ay matularan natin sa ating buhay.

8. Ang tatlong Luwalhati sa pagwawakas ng rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva.

Sa pagwawakas ng rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva, muli nanaman tayong magpaparangal sa Santatlo. Marapat lamang na magpuri at magpasalamatan tayo sa Panginoon sapagkat tunay na biyaya ang buhay ni Santo Tomas de Villanueva na pamamarisan ng tunay na kabanalan para sa ating lahat.

9. Bakit mahalagang gamitin ang Chaplet o Rosaryo ni Santo Tomas de Villanueva sa pagdedebosyon sa kanya?

Ang rosaryong ito ni Santo Tomas de Villanueva ang pinakamadaling paraan ng pamimintuho sa karangalan ng ating banal na patron. Sa maiksing sandali ng ating buong isang araw ay maaari nating hanapan ng panahon upang dasalin. Hindi siya kakain ng malaking oras. Kaya’t kahit na tayo ay nasa biyahe, nag-iintay sa pagluluto, sa estasyon ng tren, sa pag-ikot ng washing machine at iba pang katulad na pagkakataon ay maaari natin itong dasalin.

Iminumungkahi pa rin na hanapan natin ito ng angkop na sandali sa ating buhay panalangin para hindi rin mamadali sa pagdadasal. Mainam din itong gamitin bago ang Banal na Misa, Matapos ang Misa, sa pagtatanod sa Santisimo Sakramento, bago ang Nobena kay Santo Tomas de Villanueva, sa gabi bago matulog o sa paggising sa umaga.

Layunin ng panalanging ito na higit nating magamit ang pamamagitan ni Santo Tomas de Villanueva sa atin patungo sa Panginoon. Pangkaraniwan kasi na tuwing nobenario lamang ni Santo Tomas natin siya tinatawagan ng tulong at dasal.

Ang mga kahilingan kaugnay ng ating mga panalangin, gamit ang matimyas na pananampalataya ay sasagutin ng Panginoon. Sa pagkakataong iyon maaari lamang pong isulat sa papel ang inyong kwento ng katugunan sa panalangin habang nagdarasal ng chaplet. Ibig po naming tipunin ang mga kwento ng pagkakaloob ng Panginoon ng kagalingan sa pamamagitan ni Santo Tomas de Villanueva, mapa ito man ay sa karamdaman, pinansyal na kakulangan, emosyonal na dalahin sa buhay o sa iba pang mga alalahanin sa buhay. Lahat ng posibleng maganap na kasagutan sa panalanging ito ay maaari ninyong ipasa sa opisina ng parokya, Santo Tomas de Villanueva Parish, Evangelista Ave., Santolan, Pasig City c/o Bro. Winston S. Victorino.

BERSYONG TAGALOG (SIMPLENG PORMA NG CHAPLET)

Sa Krus - Ang Tanda ng Krus

Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen!

Pambungad na Panalangin:

O, Diyos, na nagkaloob sa mapalad na Santo Tomas de Villanueva ng maningas na pag-ibig sa mga dukha! Isinasamo namin sa Iyo na sa kanyang pamamagitan ay igawad sa lahat ang kayamanan ng masaganang kaawaan sa bawat sa iyo ay tumatawag: alang alang kay Jesucristong Panginoon namin. Siya nawa.

Unang Butil - Ama Namin

Ama Namin, Sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw; at patawarin Mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin; at huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa lahat ng masasama. Amen!

Ikalawang Butil - Aba Ginoong Maria

Aba Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod Kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Jesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin Mo kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen!

Ikatlong Butil - Sumasampalataya Ako

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Jesucristo iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao Siya lalang ng Diyos Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Ipinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay at ibinaon. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw ay nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Doon magmumulang paririto’t huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga santo, sa ikawawala ng mga kasalanan. At sa pagkabuhay na mag-uli ng nangamatay na tao. At sa buhay na walang hanggan. Amen!

Butil sa Gitna - Dasalin:

N.: Ipanalangin mo kami, O maluwalhating, Santo Tomas de Villanueva,


B.: Nang kami maging dapat makinabang sa mga pangako ni Jesucristong aming Panginoon.

(3) Maliliit na Butil - Susundan ng (1) Ama Namin; (1) Aba Ginoong Maria; (1) Luwalhati

Ama Namin, Sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw; at patawarin Mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin; at huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa lahat ng masasama. Amen!


Aba Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod Kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Jesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin Mo kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen!


Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo. Kapara noong una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang-hanggan. Amen!

Malaking Butil - Dasalin:

N.: Ipanalangin mo kami, O maluwalhating, Santo Tomas de Villanueva,


B.: Nang kami maging dapat makinabang sa mga pangako ni Jesucristong aming Panginoon.

Ito ay dadasalin ng 8 beses hanggang bumalik sa Gitnang Butil ng Chaplet.

Balik sa Gitnang Butil - Pangwakas na Panalangin

N.: Ipanalangin mo kami, O maluwalhating, Santo Tomas de Villanueva,


B.: Nang kami maging dapat makinabang sa mga pangako ni Jesucristong aming Panginoon.


Iibigin kita, Panginoon, sa lahat ng paraan at hindi ko hahadlangan ang pag-ibig ko sa’Yo. Walang maliw mo akong pinadama ng Iyong pagmamahal, hindi mo sinukat ang iyong mga biyaya. Kaya hindi marapat na sukatin ko ang aking pag-ibig sa’Yo. Iibigin kita Panginoon, ng buo kong lakas, ng lahat kong kakayahan, hanggang sa abot ng aking makakaya. Amen!

Balik sa (3) Maliliit na Butil - (3) Luwalhati para sa Santisimo Trinidad.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo. Kapara noong una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang-hanggan. Amen!

Sa Krus - N.: Santo Tomas de Villanueva,


B.: Ipanalangin mo kami.

Ang Tanda ng Krus

Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen!

No comments:

Post a Comment