Sto. Tomas de Villanueva, OSA

Sto. Tomas de Villanueva, OSA
Palagiang Novena kay Santo Tomas de Villanueva

Thursday, January 19, 2012

MGA BIYAYA AT HIMALA NG BAGONG NOVENA

BIYAYA:




Ang pagkaka-imprenta ng Palagiang Novena para kay Santo Tomas de Villanueva ay isang biyaya para sa akin. Tapat kong aaminin sa lahat, kahit na marami ang nagpaparatang sa akin ng kanilang mga palagay sa aking ugali -- ang katotohanan, wala akong plano sa aking mga susunod na hakbang. Ang nobena ay hindi sa hinagap ng kaisipan ko na mabubuo. Nag-umpisa lamang naman talaga ang lahat sa aking debosyon kay Santo Tomas de Villanueva. Sa aking interes na magsaliksik sa buhay niya. Sa pagkokolekta ng mga larawan niya sa sining. Sa pagkukwento ng buhay niya sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan. 

Taong 2007, papasok ako sa trabaho sa Antipolo, anu't bumabalong sa aking kaisipan ang mga panalangin para kay Santo Tomas de Villanueva. Nang marating ko ang opisina at mabuksan ko ang kompyuter, agad kong sinimulang isulat ang mga salita na siyang naging kasalukuyang Novena kay Santo Tomas de Villanueva. Una itong ginamit bilang panalangin sa purok sa 9 na gabing prusisyon patungo sa kapistahan ni Santo Tomas. Sumunod, ginamit din ito sa 9 na araw na nobena patungo sa ika 55 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Parokya. Sa paglipas ng mga panahon, unti-unti ko itong inayos at dinagdagan ng mga panalangin.

Lumipas ang mga taon, at ito'y nakatambak lamang sa memorya ng aking kompyuter. Muli, wala akong plano, hindi ko naisip na magkakaroon ito ng pagkakataon na ma-imprenta. Basta ang sa akin, ginawa ko ito para kay Santo Tomas.

Nobyembre 2010, sa isang pulong sa simbahan, ibinilin sa akin ni Father Ramil na ipasa ko sa kanyang email ang soft copy ng nobena. Naipakita ko na sa kanya ito at nabanggit niya na ikukuha ng lagda sa simbahan, ngunit sa kasaraduhan ng isip ko sa magiging kalalabasan nito, ay 'di ko inisip kung papaano kapag nalagdaan na ang nobena? Ang akin, noong panahong iyon, ay ipasa lamang sa kanya ang soft copy.


Enero 25, 2011, nilagdaan nga ng Apostolic Administrator ng Diocese of Pasig, ang Lubhang Kagalang-galang, Gaudencio Cardinal Rosales D.D. ang Imprimatur ng nobena.


Ang pambihirang biyaya ay kung papaano ito na ipa-emprenta sa loob lamang ng isang buwan? Wala akong pera! Wala akong plano. Lahat ay ipinaubaya ko na lang kay Santo Tomas de Villanueva. Naalala ko ang payo sa akin ni Sis. Linda Espiritu, "edi mamalimos ka", "di ba ganyan si Tomas?". At ganun nga ang ginawa ko. Lumapit ako sa mga kamag-anak at sa iba't-ibang tao para sa kagandahang loob nila kay Santo Tomas de Villanueva ang nakalimutang santo ng Santa Iglesia na ngayon ay gagawan namin ng nobena.


Pebrero 25, 2011, ginanap ang Novena Launching sa Parokya ng Santo Tomas de Villanueva Parish sa Santolan. Naideliver ang mga kopya ng Novena noong Pebrero 24, 2011, ganap na ika-9:30pm. Mabilis ang lahat at tila ba ginagabayan sa itaas. "Salamat Santo Tomas de Villanueva", yan na lamang ang nasambit ko sa kanya.




HIMALA:


May ilang himala ang aking naipon kaugnay nang paggamit ng bagong nobena kay Santo Tomas de Villanueva, narito po ang mga iyon:


1. Taong 2010 nang matapos ko ang final edition ng bagong nobena bago ang nobenario ni Santo Tomas, buwan ng Setyembre. Agad ko naman itong ipinaskil sa aking blog site na SANTO TOMAS DE VILLANUEVA, OSA. Setyembre 21, 2010, bago ako umuwi mula sa trabaho, nabasa ko ang message sa akin ni Ginoong Art Bautista:


Napaiyak ako nang mabasa ko ito. Isang tugon sa loob ng 3 araw niyang paggamit ng nobena. Para sa akin ang pagtanggap ng himala ay bunga ng kanilang pananampalataya sa Diyos sa tulong ng panalangin ni Santo Tomas de Villanueva, ngunit instrumento nila ang bagong nobena at dininig sila ng Panginoon. Ganun-ganun na lamang ang aking kasiyahan nang mabalitaan iyon. Muli, hindi ko inisip na aabot sa pag-ka-imprenta ang nobena. Ang kagalakan ko aya sapat na noong mabasa ko ang mensahe na iyon. Muli nasabi ko, Salamat Santo Tomas de Villanueva. 


2. Mayroon naman akong kaibigan na inabutan ko ng kopya ng nobena. Kinabukasan naisugod ang kanyang lola sa pagamutan at natagpuan na may blood clotting ito sa ugat patungo sa utak. Ang mabigat, sinabihan sila ng doktor na maaaring hindi matagmpay ang operasyon at maging gulay ang matanda. Sa loob ng isang Linggong nasa ospital sila, ginamit ng kaibigan ko ang nobena. Inilapit niya kay Santo Tomas ang kagalingan ng kanyang lola. Naging matagumpay ang operasyon at hindi naging gulay ang lola niya. Hanggang ngayon ay nakalalakad ito ng maayos. Sinabi niya sa akin na si Santo Tomas ang nagpagaling sa lola niya. Wala daw siyang dinadasal kundi ang nobena sa harap ng kama ng kanyang lola. Para sa akin, naging instrumento nanaman ang mga panalangin sa bagong nobena, ngayon naman para sa kagalingan ng isang maykaramdaman.

3. Ibinigay ko sa isa ko pang kaibigan ang kopya ng bagong nobena. Ang totoo sabi niya sa akin, mula nang matanggap niya ito, hindi niya ito ginamit. Ngunit matapos ang ilang buwan, dumating ang malaking problema sa kanyang buhay. May mga taong humiram ng kanyang salapi ngunit lubha niyang ikinatakot ang sabay-sabay na hindi pagbabayad ng mga ito. Oo nga naman, posibleng hindi na sila magbayad at takbuhan na lamang siya. Nasabi niya sa akin ang problema niyang ito at ipinayo ko sa kanya na dasalin ang bagong nobena ni Santo Tomas de Villanueva. Inamin nga niya sa akin na ito'y binale wala lamang niya ngunit matapos niyang gamitin lahat ng mga may utang sa kanya ay nagbalik sa kanya at nagbayad. Itinuturo niyang dahilan si Santo Tomas de Villanueva.
Nawa tulad nila ay matutunan din nating dasalin ang mga panalangin kay Santo Tomas de Villanueva at matamasa ang bisa nito.

No comments:

Post a Comment