Sa patuloy kong pagsasaliksik at pagninilay sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva, nakadaupang-palad ko ang larawang ito na sa halos 10 taong pagtitipon ko ng mga larawan ay 'di ko nakita. Noong Enero 11, 2012, ng gabi sa aking kwarto, habang nag-i-internet, lumabas sa aking paghahanap ang pambihirang larawan sa itaas.
ANG LARAWAN:
Ito ay tumatalakay sa paglala ng karamdaman ng isang babaeng 26 na taong gulang. Nagkaroon siya ng malubhang sugat sa binti at walang lunas na nagpahinto sa pagkabulok nito. Nagsanhi ang nabubulok na sugat na ito ng panghihina ng katawan at patutungo sa kanyang kamatayan.
Sa larawan matatagpuan ang mga taong nakatalikod sa babaeng nararatay sa kanyang kamatayan. Ang paglisan ay larawan ng kawalan ng pag-asa sa lunas para sa may karamdaman.
Tingin ko, pari ang nakatalikod na may hawak na sulo sa larawan. Kapuna-puna ang tila abitong damit niya. Maaaring napahiran na niya ng Santo Olyo ang babae bago pumanaw sa mundong ito. Papalabas na siya ng silid dala ang ilawan na siyang matandang palatandaan ng kamatayan. Ngunit hindi pa talagang tuluyang nakalalabas ang liwanag niya, nasa bungad pa lamang siya ng pinto. Para sa akin ito'y simbolo ng nalalabing pag-asa na makikita natin sa mga deboto ni Santo Tomas de Villanueva sa piling ng babaeng may karamdaman.
Kapuna-puna din ang dalawa pang karakter sa larawan na nakatalikod habang ang isa ay tila nagdarasal. Wala na rin silang pag-asa na may lunas pa o maaaring inihahabilin na nila sa Panginoon ang maysakit.
Sa kabila ng pagtalikod ng iba, mapupuna din natin sa larawan ang pananatili ng mga nagmamalasakit. Maaaring kamag-anak sila, maaring kaibigan at posibleng sila ay deboto ni Santo Tomas de Villanueva. Sapagkat ito ang dala-dala nilang lunas sa maysakit. Mababanaan sa larawan ang babaeng may hawak na isang laket na may larawan at relikiya ni Santo Tomas de Villanueva. Ginalusan ang pisngi ng maysakit ng laket at sa paglalapit ng larawan at relikiya sa kanya agad na gumaling ang babaeng sanay dadatnan na ng kamatayan.
Sa gawing itaas ng larawan makikita ang pagbuka ng langit at pagdungaw ni Santo Tomas de Villanueva na ang kanang kamay ay nasa anyo ng pagbabasbas.
ARAL:
Ang larawang banal at relikiya ng mga banal ay mga Sakramental ng Santa Iglesya. Sa mga bagay na ito na pinabanal ng pagbabasbas ng Simbahan dumadaloy ang mga biyaya na nagmumula sa Diyos. Ang debosyon sa isang banal ay isa ring Sakramental at lagusan ng biyaya ng Diyos. Sa mga ito na inilapit sa taong may sakit naging posible ang lunas sa kabila ng paglala ng kondisyon ng maysakit na muntik pang magdala sa kanyang kamatayan.
Ang debosyon kay Santo Tomas de Villanueva ay isang mabisang ugnayan sa kagalingan ng katawan at kaluluwa. Noong nabubuhay pa si Santo Tomas de Villanueva, ito ang mga kagalingang dulot niya sa sinomang makasalamuha niya, ang kagalingan sa katawan at kaluluwa. Nagpahayag siya ng Salita ng Diyos na siya namang kagalingang pangkaluluwa na hatid niya sa mga Nuevos Cristianos at sa bawat mananampalataya sa kanyang panahon.
Mapagmahal din naman siyang tunay sa mga maysakit. Ilang ulit natin mababasa sa kanyang tambuhay ang pagpapatayo niya ng mga pagamutan para sa iba't-ibang pangangailangan. Mapaghimala naman siyang tunay sapagakat sa pag-aantanda ng krus niya sa mga maysakit nakapagpapalakad siya ng pilay. Kaya malaki ang aking paniniwala na ang mga panalangin ni Santo Tomas de Villanueva ay makapangyarihan sa harapan ng Panginoon. Namuhay kasi siya ng malaking katapatan sa Salita ng Diyos at tunay na kabanalan. Kaya naman ngayon ang kanyang mga merito ay nagdudulot sa sinoman ng kagalingan pangkatawan at kaluluwa.
Santo Tomas de Villanueva, ipanalangin mo kami.
No comments:
Post a Comment