Sto. Tomas de Villanueva, OSA

Sto. Tomas de Villanueva, OSA
Palagiang Novena kay Santo Tomas de Villanueva

Tuesday, September 7, 2010

ANG KAMATAYAN NI SANTO TOMAS DE VILLANUEVA MULA SA SINO KA BA SANTO TOMAS DE VILLANUEVA ni Bro. Winston S. Victorino

Ang Maluwalhating Kamatayan ni Santo Tomas de Villanueva at ang kanyang pagpanik sa Langit

XI
ANG PAGTAWAG SA LINGKOD NG DIYOS

          Noong taong 1549, nagkaroon si Padre Tomás ng malubhang luslos na nagpabigat sa kanyang kalusugan. Bagaman may dinadamdam sa katawan patuloy ang paglilingkod niya sa mga nangangailangan.

Hindi ito ang unang pagkakataon, ngunit noong taong 1554, muling hiniling ni Padre Tomás na ibaba siya sa kanyang pwesto. Buhay na buhay kay Padre Tomás ang kababaang loob. Kahit Arsobispo ay namuhay siya ng pinakamababa sa pinakamaralita.

Noong Nobyembre 21, 1554, kapistahan ng Presentasyon kay Maria. Habang nananalangin ay nakarinig ng tinig si Padre Tomás na nagsasabi, “Tomas huwag kang malumbay, kaunti pang paumanhin. Sa araw ng kapanganakan ng aking Ina, ay tatanggapin mo na ang gantingpala sa iyong mga pagtitiyaga.”

 Noong Agosto ng 1555, naging mahina na si Padre Tomás. Ika-28 ng Agosto, kapistahan ni San Agustin, tagapagtatag ng kanilang Orden, nagdiwang si Padre Tomás ng kanyang kahuli-hulihang Misa.

Buwan ng Setyembre, ipinursisyon ang Banal na Sakramento. Natitipon ang mga tao sa pananalangin para sa pagbuti ng kalusugan ni Arsobispo Tomás. Mayroon siyang pulmonya at angina pectoris. Nakararanas si Padre Tomás ng mataas na lagnat at hirap sa paglulon.

Tatlong araw bago siya mamatay ipinamigay niya ang lahat ng pag-aari. Ang kanyang yaman pati ang kanyang banig ay ibinigay sa mga dukha. Matapos maipamigay ang lahat niyang pag-aari ay tinaggap ang huling sakramento, ang banal na pagpapahid ng Santo Olyo. Hanggang sa wakas ng kanyang buhay ang pag-ibig sa mga dukha ang tanging itinitibok ng kanyang puso. Ang puso ng pelikano, ibubuhos ang dugo upang ialay sa kanyang mga inakay.

Noong Setyembre 8, 1555, kapistahan ng kapanganakan ni Maria. Sa umaga, nagdiwang ng banal na Misa sa tabi ni Padre Tomás ang katulong na Obispo Segria. Dali-dali nitong isinagawa ang Misa at matapos mangomunyon, winika niya “In manus tuas commendo spiritum meum” (sa Iyong mga kamay itinatagubilin ko ang aking espiritu). llang ulit rin niyang binaggit ang mga banal na pangalan ni Jesus at Maria, ipinikit na ni Padre Tomás ang kanyang mata at pumisan na sa piling ng Ama sa kaluwalhatian. Pinatunog ang mga kampana sa Valencia, alam na ng mga taong tinawag na ng Panginoon ang kanyang lingkod. Maraming nagtangisan, lalo na yaong mga dukha. Namatay na ang arsobispong umibig sa kanila.

Huli nilang nalapitan si Padre Tomás sa kanyang bukas na ataol, nakasuot ng abitong Agustino na pinatungan ng episkopal na damit. Inilibing si Padre Tomás sa monesteryo ng mga paring Agustino, ang monesteryo ng Mahal na Ina ng Saklolo. Ayun na rin ito sa kalooban ni Padre Tomás. Siya’y tinanong bago mamatay kung saan niya ibig ilibing at tumugon siyang sa piling ng mga yumaong Agustino.

Ito ang mga pananalita sa kanyang lapida:

Dito nakahimlay si Tomás ng Villanueva, Arsobispo ng Valencia, siya ay kilalang mangangaral at tagapagpahayag ng Salita ng Diyos at sa buong buhay niya sinubukan niyang tumulong sa mga dukha, nagbigay ng bukas-palad na tulong hanggang sa kanyang kamatayan. Namatay siya sa kapistahan ng Kapanganakan ni Maria, 1555.

No comments:

Post a Comment