Sto. Tomas de Villanueva, OSA

Sto. Tomas de Villanueva, OSA
Palagiang Novena kay Santo Tomas de Villanueva

Tuesday, September 7, 2010

ANG TUNAY NA KAPISTAHAN NI SANTO TOMAS DE VILLANUEVA: PAGBUBUNYAG!

Stained glass image of Sto. Tomas de Villanueva in Santolan, Pasig City
September 8, 2010. Nag-text ako sa lahat ng aking mga kakilala ngayong araw na ito tungkol sa ika-455th Death Anniversary ni Santo Tomas de Villanueva. Mahalaga ito para sa akin dahil sa paniniwalang ang kamatayan ng isang tao ang kanyang pagpasok sa kaluwalhatian ng langit.

Nakatanggap naman ako text/reply kay Bro. Michael de los Reyes. Siya ang reference ko pagdating mga mga kaalamanan sa mga kapistahan ng santo at santa. Napag-aralan niya ito at may libro nang naipublish tungkol sa prusisyon ng Semana Santa. Naaral niya ang bagong edisyon ng Roman Martyrology. Ito ay halos katumbas ng kalendaryo ng mga kapistahan ng mga banal sa araw-araw ng isang buong taon. Siya ang nag bigay sa akin ng impormasyon na sa bagong Martyrology ng simbahan ANG KAPISTAHAN NI SANTO TOMAS DE VILLANUEVA AY SEPTEMBER 8 na ipinagdiriwang.

Anu ba ang September 8 sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva?

  • Ito ang petsa ng kanyang kamatayan, noong Setyembre 8, 1555 sa Valencia, Espanya, pumanaw si Santo Tomas de Villanueva;
  • Sa Terragona, Espanya, ang kapistahan ni Santo Tomas ay ipinagdiriwang ng Setyembre 8;
  • Ito ang ipinangakong araw na matatanggap ni Santo Tomas ang biyaya mula sa Diyos, narinig ito ni Santo Tomas sa animo'y isang aparisyon ng Panginoon sa kanya noong Nobyembre 21, 1554.
Magandang balita ito, dahil pangkaraniwan sa mga santo at santa na ang kanilang kapistahan ay itinataon talaga sa kanilang kamatayan. Sa kaso ni Santo Tomas, kapwa siya nabigyan ng mga Santo Papa na naglagay sa kanya sa talaan ng mga banal ng mga petsa ng pag-aaala-ala at kapistahan na walang kaugnayan sa kanyang buhay. Noong siya'y gawing beato/pinagpala (prosesong dinadaanan bago maging santo), ang kanyang pag-aala-ala ay Setyembre 18 at noong siya naman ay gawing santo, ang kapistahan naman niya ay ginawang Setyembre 22, na wala ring signipikansya sa kanyang buhay. Ganun pa man, naniniwala ako na ang Santo Papa ay may kapangyarihan na magtakda kung anung araw sa lituhikal na kalindaryo ng kapistahan marapat na gunitain ng langit at ng lupa ang banal na sumunod sa mga yapak ni Jesus at tinggap sa kaluwalhatian.


Noong 2001 o 2004 (kung hindi ako nagkakamali ng pagbanggit ng taon) nang ilabas sa mga panahong ito ang bagong edisyon ng Martyrology na tayo ay iminumulat na, sa bagong kapistahan, sa talaan ng mga banal para kay Santo Tomas de Villanueva, na marapat lamang na gunitain at pahalagahan sa kanyang bagong kapistahan tuwing ika-8 ng Setyembre.

Bigla ko tuloy naalala ang mga katagang nakasulat sa lapida ni Santo Tomas de Villanueva:


Dito nakahimlay si Tomás ng Villanueva, 
Arsobispo ng Valencia. 
Siya ay kilalang mangangaral 
at 
tagapagpahayag ng Salita ng Diyos 
at 
sa buong buhay niyang
sinubukang tumulong sa mga dukha, 
nagbigay ng bukas-palad na tulong 
hanggang sa kanyang kamatayan. 
Namatay siya sa kapistahan ng Kapanganakan ni Maria, 1555.

Kaya ba nating tanggapin ang pagbabagong ito?

Naging kontrobersyal ang pagtatakda ng kapistahan sa Santolan, Pasig.

Una, ito ay tuwing Setyembre 18 - araw ng pagtatalaga sa capilla na ginanap noong Setyembre 18, 1808;

Ginawa naman itong Setyembre 22, matapos na malamang ito ang kapistahan ni Santo Tomas mula sa kalendaryo ng simbahan;

Tuloy, sa Santolan ay nagkaroon ng mga diskusyon. Ang Ilaya ay nagdiwang ng Setyembre 18 at ang Ibaba ay nag diwang naman ng Setyembre 22. Kami naman sa gitna ay sumabay sa itinakda ng simbahan - Setyembre 22. Nahati nga ang mga mamamayan sa isyung ito.

Ang Samahang Santoleno naman ay nagpanukala, gawin itong ika-t'long Linggo ng buwan ng Setyembre. Ang Linggong pinaka malapit sa ika-22 ng buwan. Sa Danao, ito rin ang kanilang kapistahan ni Santo Tomas.

Anumang pagbabago, hindi madaling tanggapin ng mga taong sanay sa tradisyon at hindi kayang sikmurain ang halaga at tunay na dahilan ng kapistahan ng isang santo.

Ang mahalaga sa ngayon, alam na natin na ang kapistahan ni Santo Tomas de Villanueva ay itinakda na ng simbahan sa bagong edisyon ng Roman Martyrology tuwing ika-8 ng Setyembre, araw ng kanyang kamatayan.

Ang higit na mahalaga ay atin siyang ginugunita sa buwang ito. Ika-18 man, ika-22 man o sa ika-8 ng buwang ito, si Santo Tomas ay nagpakita ng magandang halimbawa na nagdala sa kanya sa kaluwalhatian ng langit. Atin siyang sundan at ipagparangal.









No comments:

Post a Comment