ni Winston S. Victorino
Nang dahil sa pagiging malapit ni Santo Tomás de Villanueva sa mga dukha, naging napakalapit niya sa puso ng mga Pilipino. Patunay nito ang maraming simbahan sa buong kapuluan na nakatalaga sa kanya. Tunay na laganap ang kahirapan sa ating bansa, ngunit hindi ito hadlang upang maging bukas-palad. Wika nga ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, walang higit ang hirap na hindi na kayang magbahagi at walang higit ang yaman na wala ng dapat pang-tanggapin. Ang mga katangian ni Santo Tomás de Villanueva ng matibay na pananalig sa Diyos, payak na pamumuhay at pakikipagkapwa tao ang naglalapit sa kanya sa ating buhay.
Alalahanin din natin na kung saan may kahirapan, naroon si Kristo at naroon ang mga halimbawa ng Ama ng mga Dukha, si Santo Tomás de Villanueva na nakasunod sa yapak ng Panginoon sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga dukha. Narito ang isang maliit na kasaysayan ng pagkilala sa kabanalan ni Santo Tomás ng Villanueva sa ating bayan.
Noong gawing beato si Tomás, taong 1618. Naipagawa ito ng kapilya sa kanyang karangalan sa simbahan ng San Agustin sa loob ng moong ng Intramuros. Noong 1620, ipinagbili ang nasabing kapilya kay Sebastian Ochoa de Villafranca.
Isang malaking pag-aalaala naman kay Beato Tomás de Villanueva ang ginanap ng mga prayleng Agustino noong 1624.
Taong 1882 hanggang 1884, nailimbag sa Pilipinas ang aklat na isinulat ni Santo Tomás de Villanueva na pinamagatang Sermones de la Virgen y obras castellanas.
Pangkaraniwang, pinapakilala ng bawat kongregasyon ang pamimintuho sa kanilang mga santo. Walang duda na matapos ang kanonisayon noong 1658, pinalaganap ng mga Agustino ang debosyon kay Santo Tomás de Villanueva. Patunay nito, maraming parokya na nakatayo magpahanggang sa ngayon ang iniaalay kay Santo Tomás. Isa na rito ang munting kapilya sa barrio ng Santolan na ngayon ay isa ng ganap na parokya.
Noong 1798, itinayo ang unang visita sa barrio ng Santolan, yari ito sa kahoy at kogon. Ito ay ipinagawa ng magkapatid na Don Luis at Antonio Victorino mula sa lupang alay ng kanilang ama na si Don Salvador Victorino.
Ang mahal na patron, Santo Tomás de Villanueva ay iminungkahi ng mga Agustinong pari na nagmimisa sa visita mula pa sa simbahan ng Pasig (Bayan). Tinaggap ito ng ating mga ninuno at hanggang ngayon ay pinakamahal sa ating barrio. Halos 200 taon na natin siyang kapiling bilang gabay. Patunay nito ang matandang imahe ng Santo Tomás de Villanueva na iniluklok noon sa tuktok ng simbahan.
Ang pangalan ng barrio ay sinasabing mula sa panagalan ni Santo Tomás de Villanueva at ng dalawa pang santo na noon ay may rebulto sa altar ng visita. Ang SAN+TO+L+AN ay mula sa SAN = banal; TO = Tomás (Santo Tomás de Villanueva); L = Luis (San Luiz Gonzaga); An = Antonio (San Antonio de Padua). Tunay na binigyan ng halaga si Tomás sa ating barrio. Isinama pa ang kanyang kabanalan sa pangalan ng ating barangay.
Noong 1808, ipinagawa muli ang visita. Yari na ito sa bato, baldoza at tiza sa pamamagitan muli ng dalawang magkapatid na Luiz at Antonio Victorino. Sa harap ng visita ay may eschuche na nagsasabi “establicido en el ano de 1808”. Ito ay isa sa una at pinakamalaking visita sa bayan ng Pasig.
Noong panahong iyong, malaking bahagi ng Santolan ay bukid. Sinasabing ang matandang imahe ni Santo Tomás de Villanueva ay mapaghimala. Ito raw ay namamasyal sa mga palayan at pinagdududahang namamalaka. Sa pagdating ng umaga, natatagpuan ang imahen na puno ng putik ang laylayan ng damit hanggang paa na may amorseko at palaka. Ito ang larawan ng mga ordinayong taga-barrio; manghuli ng palaka sa bukid at umuwing putikan. Nakakatuwang isipin na noong unang panahon ay nalalarawan ng mga tao ang kanilang buhay kay Santo Tomás de Villanueva na ating pintakasi. Sa isip ng mga tao si Santo Tomás ay kaisa namin. Siya ay kapwa namin. Mapupuna ito sa malapit na pagtawag sa kanya ng mga taga-Santolan. “Si Tomás”, ‘ika nga ng mga tao at hindi si Santo Tomás de Villanueva, ang buo niyang pangalan sa talaan ng mga banal. Animo’y kabilang siya sa kanila. Isang mabuting tao. Isang malapit na kaibigan at kapitbahay.
Hindi lamang dito mailalarawan ang malapit na ugnayan ng mga taga-Santolan sa patron. Narito pa ang ilan:
Malapit na ang Hunyo ngunit hindi pa handa ang palayan sapagkat walang ulan. Tuyo ang lupa at kung tuluyang hindi uulan ang kawalan ng ani ay nangangahulugan ng matinding kahirapan sa mga pamilyang umaasa sa ginhawang ibibigay ng lupa. Kaya naman isisigaw ng mga tao “Lutrina na!” Ang kapilya na minsan lamang isang Linggo kung buksan para sa Banal na Misa ay sadyang bubuksan upang ilabas ang banal na patron. Isasakay sa andas ang poon at lalagyang ng mga adornong bulaklak na mapipitas sa mga bakuran, pangkaraniwang gumamela at calachuci. Siyam na gabing prusisyon na nilalahukan ng mga magsasaka at mga pamilyang umaasa sa mga pananim. Sa pagdaan ng prusisyon ang mga tao ay humihinto sa kanilang mga gawain upang pumunta sa gitnang kalsada upang saksihan ang pagdungaw ni Tomás sa mga tuyong lupa ng baranggay. Hindi pa natatapos ang siyam na gabing prusisyon. Kadalasa’y makaika-t’long araw pa lamang, bumubuhos na ang ulan. Hindi kailanman idinungaw si Santo Tomás na hindi siya nagbigay ng ginhawa sa mga mamamayan ng Santolan. Isang kasaysayang hindi malilimot ng marami.
Noong panahon ng Hapon, takot na takot ang mga tao sa mga eroplanong pandigma na nagbabagsak ng mga bomba sa mga kabahayan. May mga bombang ibinagsak sa Santolan at sa kabilang ng lahat ng takot wala ni isa man sa mga bombang ito ang sumabog. Pinasalamatan ng mga tao ang proteksyong ibinigay sa kanila ni Santo Tomás de Villanueva.
Panahon ng tag-init noon nang magsimula ang sunog sa gawaan ng bibingka. Walang makaapula ng apoy na kumalat na sa maraming kabahayan. Sa kawalan ng pagasa ng mga tao sa tuloy-tuloy na pagkalat ng apoy, binalingan nila si Santo Tomás. Hiniling na idungaw ito mula sa kapilya at di ano-ano’y humupa ang apoy. Walang hangin, walang ulan – pawang ang pagdungaw lamang ni Santo Tomás ang nagpahinto sa mapaminsalang sunog.
Gayun din naman, panahon ng tag-ulan at may malakas na bagyong nanalasa at sumira sa pananim. Nagdulot ang tuloy-tuloy na pag-ulan ng pagbaha na walang tigil sa pagtaas. Ang mga gamit sa silong ng tahanan ay naanod nang lahat. Kaya muling hiniling ng mga tao na idungaw ang imahen ni Santo Tomás de Villanueva. May mga lumusong sa tubig at binuksan ang kapilya. Sa sandaling maidungaw si Santo Tomás, ang baha ay dali-daling bumaba.
Sa mga kwentong ito ng himala kung saan ilang ulit na nadama ng mga mamamayan ng Santolan na sila ay ipinamamagitan sa Diyos, animo’y buhay si Santo Tomás de Villanueva sa kanilang piling.
Noong Nobyembre 8, 1953, naganap ang pagpapasinaya sa bagong Parokya ng Santo Tomás de Villanueva, na pinamunuan ni Padre Conrado Arciaga at si Padre Alejandro Vermorel ang kauna-unahang Kura Parokong itinalaga. Naglingkod si Padre Vermorel mula 1953 hanggang 1966. Taong 1956, sa ipinabuwag niya ang lumang visita at nagpatayo ng higit na malaking simbahan kasama ang convento. Kilala siyang dumadaan sa mga pilapil, umaalis, kung saan-saan nakatutungo, upang manglimos sa pagpapa-ayos ng simbahan. Paring nanlilimos, ito ang larawan niya sa nakakakilala sa kanya.
Taong 1959, pinasinayangan ng Kanyang Kabunyian, Rufino Cardinal Santos ang pagbabasbas ng bagong simbahan.
Nasundan ang panunungkulan ni Padre Vermorel ng mga paring naging bahagi ng buhay at kasaysayan ng mga mamamayan ng Santolan. Sinundan siya nina, Reb. Pad. Nico Bautista (1966 – 1969), na siyang nagtatag ng kauna-unahang “highschool” sa barrio. Una itong dapat tatawaging Cardinal Santos Highschool, ngunit dahil sa pagtutol ng nasabing kardinal, ito ay naging Santo Tomás de Villanueva Highschool. Si Fr. Nico rin ang nagpalagay ng imahen ng Resureksyon sa gitna ng altar na mula sa kabutihang loob ng pamilya Andres.
Sinundan naman Pad. Nico, ni Rev. Pad. Abasolo (1969-1975); at ni Reb. Msgr. Restituto Esguerra (1975 – 1991). Si Msgr. Resty ang nagdulot sa mga mamamayan ng Santolan ng novenario na magpahanggang sa ngayon ay ginagamit sa parokya. Ito ay mula pa sa Bulacan kung saan tubo si Msgr. Resty.
Matapos ang kamatayan ni Msgr. Resty, sinundan siya ni Reb. Pad. Marcel Prudente (1991-1992); at ni Reb. Pad. Julius Cesar Manalo. Si Fr. Chicky, palayaw na mas higit siyang kilala, ang nagpaayos ng kasalukuyang altar ng Santolan. Mula sa kabutihang loob ng pamilya Regino, naipagkaloob ang imahen ni Santo Tomás de Villanueva na nakasuot ng abitong Agustino. Sila rin ang nagkaloob ng krusipiho na nakalagay sa gitna ng altar. Ang pamilya Pasco naman ang nagkaloob ng imahen ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario na pinagdedebotohan ng mga mamamayan at ipinagdiriwang tuwing buwan ng Oktubre.
Sinundan si Pad. Chicky, ni Reb. Pad. Alfredo Ganzon (1996-2000). Si Fr. Fred ang nagbalik ng kapistahan ni Santo Tomás de Villanueva tuwing Setyembre 22 mula sa dating Setyembre 18 na anibersaryo lamang ng pagtatalaga ng capilla.
Si Reb. Pad. Salvador Yun (2000-2005) ang naging kahalili ni Fr. Fred. Si Fr. Buddy ang naglunsad ng pagsasaliksik sa talambuhay ni Santo Tomás de Villanueva noong 2001 at nagbunga ng isang malaking “exhibit” na nagpapakita sa mga mamamayan ng mayamang kwento ng kabanalan ni Santo Tomás. Siya rin ang nagbalik ng orihinal na imahen sa altar na iniluklok noong gawing parokya ang Santolan.
Sinundan naman si Fr. Buddy ni Reb. Pad. Amando Litana (2005 - 2010). Si Fr. Mandy ang nagtaguyod ng Araw ng Debosyon kay Santo Tomás de Villanueva tuwing ika-22 ng buwan, buwan-buwan. Nagdadaos ng debosyonal na panalangin at Banal na Misa para higit na pagtuunan ng pagkilala at pagpapahalaga si Santo Tomás. Nagpalimbag din siya ng novenario ni Santo Tomás, na alay niya sa ika-55 Anibersaryo ng Parokya. Ipinakuha din niya ang 200 taong imahen ni Santo Tomás de Villanueva mula sa harapan ng simbahan at ipina-ayos dahil sa kanyang napabayaang anyo sa tuktok ng simbahan. Ang rebultong ito ang kilalang mapaghimalang imahen ni Santo Tomás de Villanueva mula pa sa capilla. Itinatag din niya ang siyam na gabing prusisyon sa karangalan ng nobenaryo ni Santo Tomás patungo sa kanyang kapistahan.
Sa kasalukuyan ang kura paroko ng barrio ay si Reb. Pad. Ramil Marcos, STL (2010 - ___). Itinalaga siyang kura paroko noong Setyembre 7, 2010, vesperas ng pag-alaala sa ika-455 kamatayan ni Santo Tomás de Villanueva (namatay si Sto. Tomás de Villanueva, noong Setyembre 8, 1555).
Ang mga kwento ng himala ay hindi pa rin natatapos. Ang bawat isang dumudulog na ipamagitan sila ni Santo Tomás ay patuloy na tumatanggap ng biyayang kanilang hinihiling. Tunay na naging kabahagi na ng ating buhay, kasaysayan at pananampalataya ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Santo Tomás de Villanueva, ang Arsobispong mapagmahal sa mga dukha at hanggang ngayon ay nagmamahal sa mga ito, sapamamagitan ng mga mamamayan ng Santolan.
Fr. Vermorel, Msgr. Nico Bautista, Msgr. Roger Abasolo, Msgr. Resty Esguerra, Fr. Chiqui, and Fr. Buddy Yun passed away.
ReplyDeleteRev. Dumandan Street is named after the great priest native of Santolan, FR. LUPO DUMANDAN