Ngayong kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus ibig kong ibahagi sa inyo ang krus sa buhay ni Santo Tomas de Villanueva.
Tunay na hindi ibig ni Santo Tomas de Villanueva na mataas ang kanyang katungkulan, libang manatili siyang paring Agustino. Ngunit sa kabila ng pagnanais na ito siya ay patuloy na inaalok na maging isang obispo. Tinangihan niya ito, bigay-bigay ang kanyang mga paliwanag. Ngunit sa ikalawang pagkakataon ang hari at Santo Papa na mismo ang humihirang sa kanya sa pagiging Arsobispo ng Valencia. Sa pagkatanggap niya ng liham ng pagtatalaga agad siyang nanakbo papasok ng kanyang selda, lumuhod sa krusipiho at nanalanging mataimtim sa krus ni Jesus. Animo'y isang kalbaryo ang pagdating sa kanyang buhay ng pagtatalagang ito. Hangad niyang maging kapareho ng kanyang mga kapatid na Agustino ngunit ibig siyang hirangin ng pagkakataon upang lumuklok sa pedestal ng Santa Iglesia bilang prinsepe ng Simbahan.
Narito ang aking paglalahad sa mataimtim na tagpo ng pananalangin ni Santo Tomas sa krus ng Panginoon hango sa aking akda SINO KA BA SANTO TOMAS DE VILLANUEVA? Talambuhay ni Santo Tomas de Villanueva, 2001.
VI
ANG PELIKANO
ANG PELIKANO
Nagretiro si Don George ng Austria bilang Arsobispo ng Valencia at lumipat sa sede ng Liege (Si Arsobispo George ng Austria ay tiyuhin ni Haring Carlos V). Matagal na panahong walang nanahang obispo sa Valencia. Humanap si Haring Carlos V, kung sino ang ipapalit sa bakanteng sede ng Valencia. Hindi nito naisip si Padre Tomás sapagkat minsan na niyang tinaggihan ang alok sa pagiging obispo ng Granada at magiging malaking pagsubok ito sa kanya.
Inutusan niya ang kanyang kalihim na gumawa ng listahan ng mga nominado mula sa Orden ni San Jeronimo. Ngunit nang dumating na ang sandali ng pagpili, nabunot ang pangalan ni Padre Tomás Garcia. Nang tanungin ang kalihim kung papaano nasama si Padre Tomás sa mga nominado, sumagot itong, “narinig ko ang kanyang pangalan sa nominasyon”. Tatanggalin na sana ng kalihim ang pangalan ni Padre Tomás ng awatin ito ni Haring Carlos V, “Huwag, naganap ang mga bagay na ito ayon sa kalooban ng Diyos. Hayaan nating masunod ang Kanyang kalooban.”
Pinirmahan agad ni Haring Carlos V, ang pagtatalaga kay Padre Tomás at ipinadala sa Valladolid kung saan si Padre Tomás ang superyor. Ika-5 ng Agosto, taong 1544, natanggap ni Padre Tomás ang liham ng paghirang sa kanya bilang bagong Arsobispo ng Valencia.
Agad nagtungo si Padre Tomás sa kanyang selda upang manalangin. Dito nakipagusap sa kanya si Kristong nakabayubay sa Krus. Siya ay nakaluhod at mataimtim sa kanyang panalangin, winika niya: “Hindi ko po kayo maintindihan, Panginoon?” Gulong-gulo ang kanyang isip, nais lamang ni Padre Tomás na manatiling Agustino kung kaya lahat ng pagtataas sa kanyang ng pwesto ay tinatangihan niya.
Buong pagsusumamong sinabi ni Padre Tomás sa kanyang pananalangin: “Panginoon, hindi ko po maintindihan kung bakit kailangan pa akong maging obispo. Hindi ko po piniling iniwan ang sekular na buhay upang pagpasok sa monesteryo ay maging Arsobispo balang araw. Ang tangi ko pong hinahanap sa katahimikan ng klaustro ay Kayo!”
Animo’y narinig ni Padre Tomás ang ganitong tugon: “At hindi mo ba ako natagpuan, Tomas? Naging masama ba ang lahat ng bagay sa iyo? May nagkulang ba sa iyo? Ipaaalala ko sa’yo ang Awit ng mga Salmista: Matakot sa Panginoon, kayong mga banal niya sapagkat hindi kinakapos ang mga may takot sa kanya (Awit 34:10).” Tugon naman ni Padre Tomás: “Opo, Panginoon, opo! Tunay ngang natagpuan kita at lumagong masaya sa iyong harapan. Wala na nga akong gustong makita o marinig sa mundong ito.” Muling niyang naulinigan ang Panginoon: “Naligtaan mo na ba ang iyong mga kapatid sa mundo? Ang Kristiyano ay inatasang maging mang-iibig ng kapwa, kung hindi niya ito gagawin, tumitigil na siya sa pagiging Kristiyano. Ipagpalagay mong ako’y nanatili sa Nazaret at nagustuhan kong manatili na lamang sa bayang iyon at hindi ko na rin tinanggap ang krus para sa aking mga kapatid: ano kaya ang mangyayari sa mundo?” Ipinaalala din kay Padre Tomás ang mga aral at turo ni San Agustin, ang tagapagtatag ng kanilang Orden.
Mula sa mataimtim niyang pananalangin at pagninilaynilay naunawaan na ni niya ang halaga ng pag-aangat sa kanya sa pagiging Arsobispo upang higit na maabot ang kapwa lalot higit ang mga dukha.
Iminungkahi kay Padre Tomás na gamitin ang pelikano sa kanyang eskudo. Winika sa kanya ng Panginoon: “Ayon sa alamat, bubutasin ng pelikano ang kanyang dibdib gamit ang kanyang tuka at ipakakain sa kanyang mga inakay ang dugo ng kanyang puso. Lahat ng obispo ay kailangang maging pelikano sa kanyang diyosesis. Sinisiguro ko sa iyo Tomas, na kinakailangan ng diyosesis ng Valencia ang dugo ng iyong puso.” Tumugon naman si Padre Tomás: “Opo, Panginoon, ilalagay ko po sa aking episkopal na eskudo ang pelikano at buong puso kong hinihiling sa inyo na bigyan ako ng lakas upang maging mabuting lingkod.” Binigyan naman si Padre Tomás ng ganitong kasiguraduhan: “Tutulungan kita. Tulad ng sinabi ng lingkod kong si San Pablo sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Corinto: Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo, lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina. Tapang!” (2 Cor. 12:9)
Noong Agosto 12, 1544, sumulat si Padre Tomás kay Padre Jeronimo Seripando, na tinatanggap na niya ang pagiging Arsobispo ng Valencia. Matatandaang hindi niya tinanggap ang sede ng Granada ngunit sa ikalawang pagkakataon ay hindi na siya tumanggi. Tinaggap niya ang sede ng Valencia bilang tanda ng angking pagiging masunurin lalo’t higit sa mga nakatataas sa kanya. Sinasabing kinumbinsi si Padre Tomás ni Prinsepe Felipe, Cardinal Juan Taverra at Superyor Padre Francisco de Vita, na tanggapin ang nominasyon. Ito’y mataimtim na pinanalanginan ni Padre Tomás. Sa pag-ako ni Padre Tomás sa pwesto, inaprobahan ni Papa Paulo III ang kanyang nominasyon sa nasabing diyosesis.
No comments:
Post a Comment