Anu nga ba ang tunay na dahilan bakit dalawa ang kapistahang nakilala ng mga mamamayan ng Santolan?
Narito ang aking mga paglalahad sa tanong na ito:
Noong Oktubre 7, 1618, itinanghal si Tomás na pinagpala o “beato”. Ito ay isinagawa ni Papa Paulo V at itinakda niya ang pag-aalaala kay Beato Tomás de Villanueva tuwing ika 18 Setyembre. Dito tinawag siyang Manglilimos, Ama ng mga Dukha at Modelo ng mga Obispo.
Noong Nobyembre 1, 1658, isinagawa ang kanonisasyon ni Beato Tomás at ganap na ginawa siyang santo. Isinama na siya sa listahan ng mga banal sa langit. Siya ay kinanonisa ni Papa Alejandro VII at itinakda ang kanyang kapistahan tuwing ika 22 ng Setyembre.
Sa makatuwid noong una ang kapistahan ni Santo Tomas de Villanueva ay tuwing ika 18 ng Setyembre, ngunit nang gawin siyang santo ito naman ay itinakda ng Santo Papa kada ika-22 ng Setyembre.
Sa mga bansa sa Kanluran at sa Orden ni San Agustin, ipinagdiriwang naman nila ang kanyang kapistahan tuwing ika-10 ng Oktubre. Ito naman ang araw na ginawa siyang Obispo ng Valencia, narito ang sipi mula sa SINO KA BA SANTO TOMAS DE VILLANUEVA:
Noong Oktubre 10, 1544, ganap na ginawang Arsobispo si Padre Tomás ayon na rin sa utos ni Haring Carlos V at sa pahintulot ng Papa Paulo III. (Sa ilang bahagi ng Santa Iglesya Katolika, tuwing ika-10 ng Oktubre ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan.)
Maganda ding alalahanin siya sa petsang ito kung saan niya ginugol ang mga mahahalagang sandali ng kanyang buhay at kabanalan. Siya ay tatawagin ng simbahan na MODELO NG MGA OBISPO dahil sa kanyang mga halimbawa.
Ngunit nang gawin nang patron si Santo Tomas de Villanuve sa barrio ng Santolan, Pasig City una nang nagisnan na ang kapistahan ni Santo Tomas ay tuwing ika-18 ng Setyembre. Anu ang dahilan nito, narito ang sipi mula sa The Saintly Priest of Santolan: Padre Lupo Dumandán (1877-1949) by Sem. Ral Jaden Paguergan & Dr. Luciano PR Santiago:
As inscribed on the crest above its main door, the chapel was formally inaugurated on September 18, 1808, the old feast of the saint.
Ang escucheng ito ang sagot sa mga tanong kung bakit noong una, ang kapistahan ni Santo Tomas sa Santolan ay nanatiling ika-18 ng Setyembre. Ito ang petsa ng pagtatalaga sa capilla ng Santolan noong 1808.
Ang tanong ngayon marapat bang gawing Setyembre 22 ang kapistahan sa karangalan ni Santo Tomas?
Ang kapistahan ng banal ay ayon sa itinakdang araw sa kalendaryo ng simbahan ng Santo Papa at hindi sa anibersaryo ng pagkakatatag ng capilla o parokya. Ang mga ito ay mga anibersaryo na maaari din naman natin ipagdiwang. Ngunit ang kapistahan ay iba sa anibersaryo. Kaya kung tutuusin natin, ang ating kapistahan ngayon tuwing Setyembre 22 ang marapat na panahon sa isang buong taon kung saan sa langit at dito sa lupa, ikinararangal ang banal na pintakasi ng mga dukha, si Santo Tomas de Villanueva na itinakda ng Santa Iglesia, bilang tinig ng Diyos sa lupa.
No comments:
Post a Comment